May 08, 2016
Isaias 49:14-16
Maraming buwan na ang nagdaan,
matapos makaranas ng malakas na lindol at tsunami ang bansang Japan.
Katulad ng alam natin, ito’y nagresulta sa maraming pagkasira ng
ari-arian, hanap-buhay, at pagkawala at kamatayan ng maraming tao.
Nang ang mga rescuers ay
naghahanap ng mga survivors, mula sa mga gumuhong gusali. Tumambad sa
kanila ang isang babaeng nakaluhod, at parang may pinoprotektahan sa
kanyang diddib sa pagitan ng kanyang mga kamay. Nang ito ay iangat
nila, laking gulat ng mga rescuers nang makita ang isang sanggol,
na mahimbig na natutulog, at sa tabi nito’y may cellphone na may
nakapaloob na mensahe na ang sabi “anak, kung ikaw ay
makakaligtas, tandaan mo, ganito kita kamahal.” Mensahe ng isang
inang mapagmahal, maalalahanin, mahabagin, at hindi nakakalimot sa
kanyang sanggol na anak.
Dahil ang Diyos ang siyang
lumikha sa mga nanay, at siya ring nagbigay ng karunungan, sipag, at
pag-ibig para sa kanilang mga anak. Alam na alam ng Diyos na lubos na
iniibig at hindi malilimot ng mga nanay ang kanilang mga anak. Sabi,
‘ang anak kaya niyang kalimutan, at itakwil ang kanyang ina. Pero
ang ina hindi ito magagawa.’ At ito po ang sinasabi ng Diyos sa
libro ng Isaias 49:15-16, “Ang sagot ni Yahweh, ‘malilimot kaya
ng ina ang sarili niyang anak? Hindi kaya niya mahalin ang sanggol na
iniluwal?; can a woman forget her own baby and not love the child she
bore?”
Dalawa po sa mga katangian o
characters ng isang ina ang binabanggit sa Isaias 49:15-16. Ang ina
ay mapagmahal, at ang ina hindi malilimot ang kanyang anak. A Mother
loves and she forgets not.
Meron pong isang ina, na ang anak
niyang babae ay inaalihan ng demonyo at ito’y masyadong
pinahihirapan. Siya po ay lumapit sa ating Panginoong Jesus at
malakas na sinabi, “Panginoon, mahabag po kayo sa akin! Ang anak
kong babae ay inaalihan ng demonyo at masyadong pinahihirapan.”
Ngunit gaputok ma’y hindi tumugon ang Panginoong Jesus. Subalit ang
ina, dahil sa kanyang pananampalataya kay Jesus na kaya nitong
pagalingin ang kanyang anak, at dahil din sa pagmamahal niya sa
kanyang anak, hindi siya nasiraan ng loob. Bagkus, sinundan niya ang
Panginoong Jesus saan man ito magtungo, habang patuloy siya’y
sumisigaw ng malakas, “Panginoon, mahabag po kayo sa akin! Ang anak
kong babae ay inaalihan ng demonyo at masyadong pinahihirapan.”
Kaya’t sinabi sa kanya ni Jesus, “napakalaki ng iyong pananalig!
Mangyayari ang hiniling mo.” At noon di’y gumaling ang kanyang
anak. (Mateo 15:21-28). Ang ina ay mapagmahal.
Isang tao ang may dalawang anak
na lalaki. Ang wika ng bunso,”Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang
mamanahin ko.’ At binahagi sa kanila ng ama ang kanyang ari-arian.
Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang ari-arian
at nagtungo sa malayong lupain, taglay ang buo niyang kayamanan, at
doo’y nilustay na lahat sa di wastong pamumuhay. Nang malustay na
niya ang kanyang kayamanan, nagkaroon ng matinding taggutom sa
lupaing yaon, at naghirap siya. Kay namasukan siya sa isang mamamayan
ng lupaing yaon. Siya ay pinapunta sa bukid upang mag-alaga ng baboy.
Ibig sana niyang punan ang kanyang pagkain kahit ng mga bungang-kahoy
na ipinapakain sa mga baboy ngunit walang magbigay sa kanya. Nang
mapag-isip-isip niya ang kanyang ginawa, nasabi niya sa sarili, ‘ang
mga alila ng aking ama ay may sapat na pagkain at lumalabis pa
samantalang ako’y namamatay ng gutom dito. Babalik ako sa kanya, at
sasabihin ko, “ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na
po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak; ibilang na lamang ninyo
akong isa sa inyong mga alila.” At tumindig siya at pumaroon sa
kanyang ama. Malayo pa’y natanawan na siya ng ama, at ito’y labis
na nahabag sa kanya, kaya’t patakbo siyang sinalubong, niyakap, at
hinagkan” (Lucas 15:11-32).
Simula nang umalis ang kanyang
bunsong anak, ang ama ay nagsimula na ring maghintay sa pagbabalik ng
kanyang anak, at kailanman hindi niya ito nakalimutan ni nawaglit man
lang sa kanyang isipan, hanggang sa magbalik nga ang kanyang anak.
Katulad ng tatay na ito, sa kwento ng ating Panginoong Jesus, ang
nanay ay hindi rin marunong lumimot ng kanyang anak, at nagtitiis
siyang maghintay hanggang sa magbalik ang kanyang anak. Minsan
tinanong si Susanna Wesley, ang ina ni John Wesley na siyang nagtatag
ng Methodist church, kung alin sa 17 na anak niya ang kanyang
favorite. Ang sagot ni Susanna Wesley, ang favorite ko sa mga anak ko
ay iyong may sakit hanggang sa siya ay gumaling, at iyong umalis
hanggang sa siya ay bumalik.” Ang nanay ay mapagmahal at hindi
marunong lumimot sa kanyang mga anak.
Ang sabi po sa Isaias 49:15-16,
“Ang sabi ng mga taga-Jerusalem, “pinabayaan na tayo ng Diyos.
Nakalimutan na niya tayo. Ang sagot ng Diyos, “malilimot kaya ng
ina ang sarili niyang anak? Hindi kaya niya mahalin ang sanggol na
iniluwal? Kung mayroon mang inang lumilimot sa kanyang anak, ako’y
hindi lilimot sa inyo kahit sandali. Jerusalem, hinding-hindi kita
malilimot. Pangalan mo’y nakasulat sa aking palad.”
Nang ang Jerusalem ay sakupin ng
mga kaaway, ang mga Babylonians o Iraq sa ngayon, sa pangunguna ni
haring Nebuchadnezzar, dahil sa patuloy at pauli-ulit na pagkakasala
ng mga taga-Jerusalem. Nasabi nila, na sila’y pinabayaan at
nakalimutan na ng Diyos. Subalit ang sabi ng Diyos ‘paano kita
makakalimutan, ikaw ay nasa aking isipan.’
Sinasabi po ng Diyos na kung ang
mga ina natin, o kung ang mga anak natin, o kung ang mga kaibigan
natin, o kung ang mga kamag-anak natin ay nakalimutan na nila tayo,
at pinabayaan na nila tayo. At iniisip natin na kawawa naman tayo at
walang uma-alalala at nagmamahal sa atin. Bilang mga anak ng Diyos,
nang ating tanggapin si Jesu-Cristo sa ating buhay bilang ating
Panginoon at Tagapagligtas. Sinasabi po ng Diyos “malilimot kaya ng
ina ang sarili niyang anak? Hindi kaya niya mahalin ang sanggol na
iniluwal? Kung mayroon mang inang lumilimot sa kanyang anak, ako’y
hindi lilimot sa inyo kahit sandali. Hinding-hindi kita malilimot.
Pangalan mo’y nakasulat sa aking palad.”
Sabi pa ng Diyos sa Awit o Psalm
139:1-5, tayo ay kanyang sinisiyasat, batid niya ang ating buhay, ang
lahat nating lihim ay tiyak niyang nalalaman. Ang lahat ng gawain
natin, sa kanya ay hindi lingid, batid din niya ang ating isip.
Tayo’y kanyang nakikita, gumagawa o hindi man, ang lahat ng gawain
nati’y pawang kanyang nalalaman. Di pa tayo umiimik, yaong ating
sasabihi’y alam niya nang lahat iyon, lahat ay di malilihim. Siya’y
laging kapiling natin, katabi natin oras-oras, ang likas niyang
kalakasan ang sa ati’y nag-iingat.
Mga kapatid sa Panginoong
Jesu-Cristo, ang nanay ay mapagmahal at hindi marunong lumimot sa
kanyang mga anak. Subalit, Kung mayroon mang inang hindi nagmamahal
sa kanyang anak at lumilimot sa kanyang anak. Ang sabi ng Panginoon,
“ ako’y hindi lilimot sa iyo kahit sandali. Hinding-hindi kita
malilimot. Pangalan mo’y nakasulat sa aking palad.” Ito po ang
mensahe ng ating Panginoong Diyos, atin itong panghawakan.

No comments:
Post a Comment